Thursday, 3 July 2008

Siya Si Alfredo. Subukan nyo lang ang kwento nya.

Ang kanyang tunay na pangalan ay Alfredo dela Cruz Alejandria, ngunit sya ay bantog sa palayaw na Freddie, ang aking kabiyak sa buhay. Kami'y nagkakilala sa pamamagitan ng telepono, at sa mga panahong iyon ay kasalukuyan siyang tagu ng tago dahil me babaing nagtangkang pumikot sa kanya, at duon na nakatira sa mga magulang niya simula nung araw na siya ay nilasing nitong babae, at pagkat talagang ayaw niya sa babaeng iyon, napilitan siyang umalis at lisanin ang tahanan na kanyang kinalakihan. Sabi nya sa kanyang sarili, di bali ng walang masilungan, wag lang mapasubo sa isang bagay na sa simula pa lang ay alam nyang di nya gusto. Ilang buwan din siyang palipat-lipat ng tirahan, nauuwi lang pag may pagkakataon halimbawa e kung ang babaing iyun ay lumuwas papuntang probinsiya, o kaya eh umalis sandali, at siya naman ay sikretong tumatawag sa kanilang telepono upang alamin kung siya ay pwedeng makasaglit ng bahay. Kahit anong pangaral sa kanya ng kanyang mga magulang at mga kamag-anak, kanyang pinangatawanan na hinding-hindi siya pakakasal sa babaeng iyon. At sa gitna ng krisis na ito, kami ay nagkakilala sa pamamagitan ng kanyang tiyahin na aking naging kaibigan sa telepono at siyang nagpasa sa kanya. Simula noon, di na naghiwalay ang landas namin. Naalala ko, nuong siya ay nanliligaw pa lang, aking narinig, o kaya kanyang sadyang ipinarinig sa akin, na kanyang tinapat ang babaeng iyon sa telepono at sinabing hinding-hindi siya pakakasal dito sapagkat alam niya sa kanyang kalooban na hinding-hindi niya mapipilit ang kanyang sarili na ito ay mahalin. Mga ilang araw ang lumipas, may balitang buntis daw itong babae, ngunit buo ang loob ni Alfredo, paninindigan at susuportahan nya ang bata, pero hinding-hindi pa rin ito pakakasal. Lumipas ang dagdag na apat na buwan, napatunayang di rin pala buntis itong babae at gawa-gawa lamang nito ang kwentong iyun. Hanggang kusa na lang lumisan itong babae sa kanilang tahanan at umuwi sa probinsiya. Kusa rin nitong binura ang kasong kanyang isinampa sa barangay noong panahon na unang umiwas si Alfredo.

Sa mga panahong ito, di man niya sinasadya, aking nakilala ang kanyang pagkatao. Siya ay may matigas na paninindigan, at kahit na ito ay mali kung minsan, basta't kanyang dinisisyunan, di na ito mababali pa. Ni hindi rin siya marunong magbalat-kayo. Sa simula pa lang ay alam ko na kung ano ang kalagayan nya sa buhay, walang pagtatakip o tangkang itago ang kanyang estatus. Ngunit ganun pa man, marami pa rin ang nabibihag sa kanyang kapilyuhan. Siya ay natural na "flirt" at daig pa ang malanding itik kapag nakikipagkatuwaan. Bagay na kung minsan ay bumibighani sa mga puso ng ibang mga babae at umaakalang siya ay may gusto din sa kanila. Me ilang beses na rin na akin siyang inaway dahil dito, pero alam ko ang katotohanan. Hanggang sa aking napagtanto na walang silbi kahit siya'y aking awayin, alam kong dahil lamang sa aking pagseselos e aking sisirain ang aming pamilya. Ganuon talaga siya. Ilang beses na ring me babaing nagtangka kaming paghiwalayin, meron ako mismo ang tinitext upang sabihin lang na kaya niyang bilhin si Freddie, hindi kagaya ko, ni isang kusing e wala. Sa loob-loob ko, ako'y may tiwala sa aking asawa, hindi siya isang bagay lamang na may presyo at nabibili. Meron siyang pag-iisip at sariling disisyon. Minsan din, ako naman ang ginagalit at halatang gusto kami pag-awayin, kaya upang matigil ang kanyang pagti-text, sumagot ako ng ganito, sandali lang ha, aawayin ko muna siya (ngunit ang totoo, ako ay natatawa). Aba, isang buong araw yatang natuwa at di na nagtext ulit, hayyyy salamat. Talaga naman, kung minsan itong mga babae, parang mauubusan ng lalaki sa mundo, at kung sino pa yung may asawa na ang siya nilang gusto. Minsan sa aking inis may sinagot ako ng ganito. "Hoy miss, ganyan ka na ba kadesperada, at walang nagkakagusto sa iyo, at pati ang asawa ko ay gusto mong subukin? Kung ganyan ang sitwasyon mo, eh lalong wala kang pag-asa sa kanya, pagkat ang mga tipo nya ay yung mga pinag-aagawan, at di katulad mo, napag-iiwanan!" Ang taray no? Pero walang biro, nasabi ko talaga iyon. Ako kasi ang klase ng babae na bukas ang pag-iisip. Palibhasa, kaya kong maghanap-buhay at buhayin ang aking mga anak, kung sakali na nagbago ang pagmamahal ni Alfredo at hindi na siya masaya sa akin, aba eh, walang pilitan. Ayaw na ayaw ko na maririnig sa kaninuman balang araw, na ng dahil sa akin ay naging miserable ang buhay nya. Ganun pa man, di ko naman ibig sabihin na madali nyo lang maagaw siya sa akin, patunayan niyo munang kayo talaga ang kanyang gusto, at di na ako. Madali ang usapan. Pero kung sakali at pinatulan nga nya kayo pero kanya naman kayong inililihim at ikinahihiya at pinagsisihan at bakit nya napasok ang ganong gusot, aba eh mag-usap tayo. Di ako iskandalusa at mapagkatha ng kwento. Di katulad ng iba diyan, nakalabit at nakatawanan lang sandali, aba e inakala ng head over heels daw sa kanya si Alfredo, tsk tsk tsk. Ang lakas ng loob na ikalat sa buong bayan, parang celebrity gossip baga. At siyempre, eto namang mga mister at misis na mahilig makinig ng drama, mahilig magbasa ng magazine, mahilig magtsismisan, either nadagdagan o nababawasan ang kwento, kumporme sa kung sinong nagkwento...... hmmmmm ako ay natatawa at naiiling na lang sa inyo. Sa tanda kong ito, malakas na ang pakiramdam ko, alam ko ang kwentong may halong personal na interes. Di sa pagmamalaki, naging editor ako minsan ng school publication namin kaya nararamdaman ko ang tono ng bawat report sa akin.
O sige, patuloy tayo kay Alfredo. Sa amin namang pagsasama, di kami perfect couple. Mabibilang sa daliri ng isang kamay ko na kami ay nagsagutan, sapagkat kapag kami pag nag-aaway, tahimik. Di nagkikibuan at dedmahan. Pareho yata kami ng strategy kapag galit. Siya, wala lang, tahimik, at may selective hearing. Kahit sigawan mo yan sa tenga kapag ayaw ka nya kausap, wa effect ang sigaw mo..... (Ngunit kapag iyan ay nag-uumapaw na sa galit, nanginginig ang boses nyan). Katulad ng nabanggit ko kanina, malandi siya. Mahilig maglambing, at kung minsan kahit naiirita na ako, di pa rin makahalata. Tipo bang gusto kong nananahimik pero ayan siya at pabiro-biro, pa sweet sweet, at kung anu-ano pa animo'y bubuyog na kumakampupot. Madalas nagpapatawa yan, at dahil sa mahigit isang dekada na rin kaming nagsasama, alam na alam ko na ang style nya sa mga jokes, kaya kung minsan, di na rin ito mabili sa akin, bagamat aking napapansin sa mga pagtitipon, kapag siya nag-joke, nakukuha nya pa rin silang mapatawa.

Pagdating sa pamumuhay, si Alfredo ay masinop. Sa mga gamit, lagi siyang maalaga, di katulad ko, di naman burara, pero kapag ang isang bagay ay nasira, di ako apektado masyado kasi prinsipyo ko, gamit lang yan may sell by date yan o kaya hanggang dun na lang siguro ang silbi nun, samantala siya, gusto nyang optimized palagi ang gamit ng isang bagay, kaya napakaingat nya. Katulad lang ng cellphone nya, di basta-basta silid lang sa bag nya, baka raw magasgas kaya kailangan ilagay sa tamang lalagyan doon sa loob ng bag nya.

At sa usaping bag naman, si Alfredo ang taong di makalakad nang walang dalang bag. Sa simula pa lang ng kami'y magkakilala palagi na lang siyang may sukbit na bag. Ang laman naman ay di naiiba, wallet, ballpen, maliit na notebook, tarheta, kunting barya, at kung anu-anong mga resibo. Kung nawawala sa paningin ko si Alfredo at hawak ko ang kanyang bag, alam kong nandiriyan lang siya sa malapit, o kaya babalik at babalik din siya ilang saglit lang. Kung baga, parang may magic spell, kambal tuko sya dun sa bag nya. Kakalimutan na ako wag lang ang bag niya. Pero di sya mahilig mangulekta nito. Bibili siya ng isa lang at gagamitin ito ng ilang taon hanggang sa ito ay masira, saka lang siya bibili ulit. Kaya imagine, kung ang kanyang bag ay lumang luma na pero di pa sira, at kami at aatend ng pormal na party, ke gwapo nya sa kanyang terno, pero ayun at sukbit pa rin si bag nya!

Ang kanyang tanging luho ay pagkain. Mahilig yan sumubok ng pagkain sa iba't -ibang restaurant, kaya kami nananaba pareho. Hindi sya mahilig pumorma. Basta siya ay kumportable, wala siyang pakialam sa sasabihin ng mga tao, ke gusot at di naplantsa ang suot nya. Di rin siya gumagamit ng pabango o kahit cologne lang. Meron syang natatanggap paminsan-minsang regalong pabango, ayun ginagamit kong air freshener sa bathroom namin. Mahilig siyang magbutingting kaya meron siyang koleksyon ng mga tools, pero di siguro naiiba iyon sa ibang mga boys. Ang nakakatuwa, siya itong may nakalalamang ng bilang ng pares ng sapatos kaysa sa akin. Siya itong Imelda sa aming bahay.

1 comment:

pishnge said...

hi po...

woooahhh.. ang haba pero binasa ko pa talaga.. kulet... flirt talaga si alfredo???? hahaha ang galing naman... ilang years na po kayo magasawa ni alfredo?

opo totoo po yan... mga babae nga naman... tama lang po yung sinabihan nyo yung babae ng ganun.. partida nga po yung sa naranasan ko, may gf na yun ha ... yung sayo,, may asawa na... hmpf... tsktsk...

-pishnge